Isang fastcraft ng Weesam Express, na kinilalang Weesam Express 8, ang tumagilid at tuluyang lumubog habang naka-angkla sa Zamboanga Port kaninang madaling araw bandang alas-3:00 ng umaga, Oktubre 8.
Batay sa paunang imbestigasyon, pumasok ang tubig-dagat sa starboard side ng barko at binaha ang engine room, dahilan upang mawalan ng balanse at tuluyang tumagilid ang sasakyang pandagat.
Ayon kay Captain Samuel Sabanal, pinuno ng nasabing fastcraft, nagkaroon ng malubhang sira sa makina na pinalala pa ng malalakas na alon noong mga sandaling iyon. Sinubukan umano ng mga crew na bawasan ang tubig gamit ang pumps, ngunit hindi na nakayanan ang dami ng pumapasok na tubig.
Dagdag pa ng kapitan, hindi umano agad naiparating sa kanya ng mga tauhan sa engine room ang naunang problema sa makina, na kung naagapan aniya ay maaring naiwasan ang insidente. “Kung naiulat lang agad, maaaring nakansela ang biyahe at naayos agad ang sira,” ayon pa sa kanya.
Mabuti na lamang at walang pasahero sa loob ng barko nang mangyari ang insidente dahil naka-dock pa ito noong mga oras na iyon. Agad namang inilikas ng kapitan ang lahat ng crew bago tuluyang lumubog ang fastcraft, na ngayon ay bahagyang nakalubog at ang tanging nakikita na lamang ay ang itaas na bahagi ng barko.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente, lalo na sa aspeto ng maintenance at safety protocols ng kumpanya upang matiyak na hindi na ito maulit sa hinaharap.