Pormal nang sinimulan ng Pamahalaang Panlungsod ng Cotabato ang pagpapatupad ng wheel clamping bilang bahagi ng mas pinaigting na disiplina sa trapiko.
Naglabas ng mahigpit na babala ang magkasanib na pwersa ng Cotabato City Transportation and Traffic Management Center (CTTMC) at City Public Safety Office (CPSO) laban sa mga motoristang patuloy na lumalabag sa mga umiiral na batas trapiko.
Umpisa kahapon, Pebrero 6, ipinatupad na ang wheel clamping operation sa kahabaan ng Gov. Gutierrez Avenue, partikular sa mga sasakyang sangkot sa illegal parking at iba pang paglabag na nagiging sanhi ng matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Ayon sa mga otoridad, layunin ng hakbang na ito na mapanatili ang kaayusan sa lansangan, lalo na sa mga lugar na madalas makaranas ng traffic congestion.
Samantala, sinabi ni Cotabato City Mayor Bruce Matabalao na magsisilbing malinaw na paalala ang wheel clamping sa mga motorista upang igalang at sundin ang umiiral na mga ordinansa at kautusan ng lungsod kaugnay ng trapiko.
Dagdag pa ng alkalde, mas paiigtingin pa sa mga susunod na araw ang clamping operations, lalo na sa mga pangunahing kalsada sa lungsod na may mabigat at masikip na daloy ng mga sasakyan.

















