Naghain si Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri ng panukalang batas na nagtatakda sa Marso 30, 2026 bilang petsa ng kauna-unahang parliamentary elections sa BARMM.
Ayon kay Zubiri, na siya ring pangunahing may-akda at sponsor ng Bangsamoro Organic Law o BOL, napapanahon na umanong maibigay sa mga Bangsamoro ang karapatang pumili ng sarili nilang mga lider sa pamamagitan ng halalan—isang mahalagang haligi ng demokrasya.
Pahayag ni Zubiri, mahigit anim na taon na ang nakalipas mula nang maitatag ang BARMM, ngunit hindi pa rin umano nagagamit ng mamamayan ang kanilang kapangyarihang bumoto.
Dagdag niya, ang diwa ng BOL ay nakasentro sa self-governance at self-determination—mga prinsipyong hindi maisasakatuparan kung walang halalan.
Kaya naman inihain ang Senate Bill No. 1587 upang bigyan ng malinaw na mandato ng batas ang pagsasagawa ng unang parliamentary elections sa rehiyon sa Marso ng susunod na taon.
Sa ilalim ng panukala, aamyendahan ang Section 13, Article XVI ng Bangsamoro Organic Law upang itakda ang halalan sa Marso 2026, habang sisimulan naman ang termino ng mga mahahalal na opisyal sa Abril, o isang buwan matapos ang eleksyon.
Nakasaad din sa panukala na ang mga susunod na eleksyon ng BARMM ay isasabay na sa 2028 national elections at isasagawa kada tatlong taon pagkatapos nito.
Ang Commission on Elections, sa pamamagitan ng Bangsamoro Electoral Office, ang mangangasiwa sa paglalabas ng mga alituntunin at regulasyon para sa halalan, alinsunod sa pambansang batas, Bangsamoro Organic Law, at Bangsamoro Electoral Code.Sa ilalim ng BOL, binubuo ang Bangsamoro Parliament ng 80 miyembro—kalahati ay mula sa party-list system, apatnapung porsiyento ay mula sa single-member districts, at sampung porsiyento ay nakalaan para sa mga sektor tulad ng non-Moro Indigenous Peoples, settler communities, kababaihan, kabataan, tradisyunal na mga lider, at mga ulama.
Samantala, noong Enero a-trese, inaprubahan ng Bangsamoro Parliament ang BTA Bill No. 415, o Bangsamoro Parliamentary District Act of 2025, matapos ang mahigit sampung oras na sesyon—isang mahalagang hakbang sa paghahanda para sa nalalapit na halalan.Ayon pa kay Zubiri, malaki ang nakataya sa usaping ito—isang Bangsamoro government na tunay na inihalal ng mamamayan.
Kaya nanawagan siya ng agarang pag-apruba ng panukala upang agad na masimulan ang mga paghahanda para sa eleksyon sa Marso.

















