Inaprubahan ng Bangsamoro Tripartite Wage and Productivity Board (BTWPB) sa ilalim ng Ministry of Labor and Employment (MOLE) ang ₱500 na umento sa buwanang sahod ng mga kasambahay o domestic workers sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ang pagtaas ng sahod ay isinasaad sa Minimum Wage Order No. BARMM-DW-02 na nilagdaan noong Disyembre 17 sa Bangsamoro Government Center (BGC).

Saklaw ng wage order ang lahat ng kasambahay na naninirahan o nagtatrabaho sa BARMM, kabilang ang mga gumaganap ng mga gawaing pantahanan tulad ng paglilinis ng bahay, pagluluto, paglalaba, pag-aalaga ng bata o nakatatanda, paghahalaman, at iba pang kahalintulad na serbisyo sa loob ng tahanan.

Binigyang-diin ni MOLE Minister Muslimin Sema, na siya ring chairperson ng BTWPB, na hindi lamang patas na sahod ang layunin ng pamahalaan kundi pati ang makatao at ligtas na kondisyon sa trabaho ng mga kasambahay. Kabilang dito ang regular na araw ng pahinga, masustansyang pagkain, maayos na tulugan, at ganap na proteksiyon sa kanilang mga karapatan at kapakanan.

Dagdag pa ni Sema, bahagi ito ng mas malawak na adbokasiya ng MOLE na isulong ang makatarungang pasahod, makataong paggawa, at panlipunang katarungan para sa lahat ng manggagawa sa rehiyon. Hinikayat din niya ang mga employer na ganap na sumunod sa bagong wage order at igalang ang dignidad ng mga kasambahay sa bawat tahanan.

Batay sa bagong kautusan, ang kasalukuyang minimum na buwanang sahod na ₱5,000 ay itataas sa ₱5,500. Ang desisyon ay bunga ng masusing pagsusuri ng MOLE, na isinasaalang-alang ang mga pananaw mula sa sektor ng paggawa at pamunuan sa isinagawang public consultations, pati na rin ang datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), Bangsamoro Planning and Development Authority (BPDA), at Ministry of Trade, Investments and Tourism (MTIT).

Hindi saklaw ng wage order ang mga family driver, mga batang nasa ilalim ng foster family arrangements, service providers, at mga indibidwal na gumagawa lamang ng paminsan-minsang trabaho na hindi itinuturing na regular na hanapbuhay.

Inaasahang magkakabisa ang wage order labinlimang (15) araw matapos itong mailathala sa Bangsamoro Gazette o sa isang pahayagang may malawak na sirkulasyon sa rehiyon.