Nasamsam ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang umano’y iligal na sigarilyo na nagkakahalaga ng ₱735,000 at naaresto ang isang lalaki sa isang law enforcement operation noong Disyembre 24, 2025 bandang 10:20 ng gabi.
Ayon sa ulat na ipinarating kay PMGEN Robert A.A. Morico II, Acting Director ng CIDG, isinagawa ang operasyon ng CIDG Zamboanga del Sur Provincial Field Unit katuwang ang mga territorial police units at ang Bureau of Internal Revenue ng Pagadian City sa Purok Lapu-Lapu, Barangay White Beach, Pagadian City.
Sa operasyon, naaresto ang suspek na kinilalang si “Dodong,” 24 taong gulang, may asawa, at residente ng Barangay White Beach, Pagadian City. Nahuli umano siyang nagmamay-ari at nagbibiyahe ng 21 master cases ng “New Berlin” brand na sigarilyo na walang kaukulang Internal Revenue tax stamps.
Ang nasabing gawain ay paglabag sa Republic Act No. 8424 o ang Tax Reform Act of 1997. Agad na kinumpiska ng mga awtoridad ang mga sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng ₱735,000.
Pinuri ng pamunuan ng CIDG sina PCOL Rosell D.M. Encarnacion, Regional Chief ng CIDG Regional Field Unit 9, at ang CIDG Zamboanga del Sur Provincial Field Unit sa pangunguna ni PMAJ Jhon Carlo R. Mindanao sa matagumpay na pagkakasamsam ng mga iligal na produktong tabako at pag-aresto sa lumabag sa batas.
Tiniyak ng CIDG na mananatili itong matatag sa pagpapatupad ng batas at walang puwang ang kriminalidad sa kanilang hanay ng operasyon. Hinikayat din ang publiko na i-report ang anumang iligal na aktibidad sa kanilang lugar upang agad na maaksyunan ng mga awtoridad.

















