Umabot sa ₱903,670 halaga ng smuggled cigarettes ang nakumpiska ng Police Regional Office 12 (PRO 12) sa bayan ng Kalamansig, Sultan Kudarat matapos maharang ang dalawang lalaki na nagdadala ng mga ilegal na produkto.
Dakong 8:00 AM noong Nobyembre 20, 2025, nagsasagawa ng random checkpoint ang mga tauhan ng Kalamansig Municipal Police Station sa kahabaan ng Kalamansig–Senator Ninoy Aquino Road sa Barangay Hinalaan nang kanilang pahintuin ang isang Mitsubishi Dropside Utility Vehicle. Doon nadiskubre ang mga kontrabandong sigarilyo.
Kinilala ang mga suspek sa mga alias na “Fahadi,” 22, at “Aram,” 26, kapwa kasal at residente ng Datu Salibo, Maguindanao del Sur. Sa inspeksyon, nadiskubre ang 23 kahon ng Fort at Canon cigarettes, na may kabuuang 1,150 reams.
Ayon sa pulisya, ipinaalam sa dalawang suspek ang dahilan ng kanilang pagkakaaresto at kanilang mga karapatang konstitusyonal gamit ang wikang kanilang lubos na nauunawaan. Agad silang dinala, kasama ng mga nakumpiskang sigarilyo, sa Kalamansig MPS para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.
Pinuri ni PBGEN ARNOLD P. ARDIENTE, Regional Director ng PRO 12, ang mabilis na aksyon ng mga operatiba.
Aniya, “Our checkpoints remain vital in intercepting illegal goods that undermine our economy and endanger public welfare. The successful apprehension of these individuals proves that PRO 12’s intensified border security and crime prevention measures are yielding significant results.”
Patuloy namang pinaigting ng PRO 12 ang kampanya kontra smuggling upang mapigilan ang pagpasok ng mga ilegal na produkto sa rehiyon.

















