Arestado ang isang high-value target (HVI) sa isinagawang anti-iligal na droga na operasyon sa Barangay Basak Malutlut, Marawi City pasado alas-12:30 ng tanghali nitong Hulyo 11, 2025.

Kinilala ang suspek na si Nur Jamal Dimalutang alyas Bolkie, may-asawa, nasa hustong gulang, at residente ng Barangay Kalaw Cawayan, Marantao, Lanao del Sur.

Sa isinagawang joint buy-bust operation ng Regional Drug Enforcement Unit ng PRO BAR at Regional Intelligence Division sa pakikipag-ugnayan sa PSOG/PDEU, PIU ng Lanao del Sur Police Provincial Office, mga yunit ng Regional Mobile Force Battalion 14-A, 1st PMFC, at CDEU Marawi CPS, nasakote si Dimalutang habang tinatarget si alyas Sabrie Sultan at mga kasamahan nito.

Nasamsam sa operasyon ang tinatayang 750 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na ₱5.1 milyon, isang genuine ₱1,000 bill na ipinatong sa 700 piraso ng ginupit na photocopied ₱1,000 bills na nakasilid sa berdeng plastik, at isang itim na YAMAHA NMAX na may temporary plate number na 1017-8105022.

Ayon sa mga otoridad, isinagawa ang aktuwal na physical inventory ng mga nakumpiskang ebidensya sa harap ng suspek, kasama ang mga kinatawan mula sa DOJ at media bilang mga insulating witnesses.

Ang matagumpay na pagkakaaresto kay Dimalutang ay bunga ng isang buwang pagmamanman at intelligence operations sa ilalim ng pamumuno ni PBGEN Jaysen C. De Guzman.

Dinala na sa Marawi City Police Station ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kaso sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.