Nasamsam ng mga joint operatives ng Matanog Municipal Police Station at ng 1st Provincial Mobile Force Company, MDN PPO ang mga pinaghihinalaang smuggled cigarettes na nagkakahalaga ng Php 128,352 sa isang routine checkpoint operation kahapon Pebrero 24, bandang 4:10 ng hapon sa Brgy. Bayanga Norte, Matanog.
Arestado ang 51-anyos na lalaki, isang magsasaka at residente ng Brgy. Matanog Bomba, Balabagan, Lanao del Sur, na nagmamaneho ng isang red Suzuki Stingray na walang plaka. Sa inspeksiyon ng kanyang sasakyan, natagpuan ang 150 reams ng CANNON Menthol cigarettes na itinago sa loob ng kotse. Ang mga nasamsam ay agad na minarkahan, ini-inventory, at kinuhanan ng litrato sa pakikipag-ugnayan sa Bureau of Customs – Sub-Port of Parang.
Ipinaliwanag sa suspek ang kanyang mga karapatan at ang mga probisyon ng Anti-Torture Law sa wikang naiintindihan niya. Dinala siya sa Matanog Municipal Police Station para sa tamang dokumentasyon at kaukulang aksyon.
Ani PCOL George D. Bagundol, Jr., Acting Provincial Director, Maguindanao del Norte PPO, “Ipinapakita ng matagumpay na checkpoint na ito ang aming dedikasyon sa kampanya laban sa smuggling at iba pang uri ng economic sabotage sa probinsya. Patuloy naming paiigtingin ang koordinasyon sa mga partner agencies at isusulong ang intelligence-driven operations upang protektahan ang lokal na ekonomiya at panagutin ang mga lumalabag sa batas. Hinihikayat din namin ang publiko na maging mapagbantay at agad i-report ang anumang ilegal na gawain sa kanilang komunidad.”

















