Nanawagan si Senadora Imee R. Marcos nitong Martes na dapat harapin sa Senado ang mga alegasyon at isyung ibinabato kaugnay ng umano’y kontrobersiya na kinasasangkutan ng ilang kasapi ng Philippine Marines at iba pang opisyal.

Sa kanyang opisyal na pahayag, iginiit ng senadora na hindi niya pinoprotektahan ang Senado dahil sa personal na relasyon kundi dahil ito aniya ang “tinig at tanggulan ng ating bansa.”

“Kung ang mismong tanggulan ang inaakusahan, marapat din na dito magharap-harapan sa ilalim ng panunumpa, sa ilalim ng batas, at sa harap ng taumbayan,” ayon kay Marcos.

Binigyang-diin din niya na hindi dapat idaan sa press conference o sa tinatawag na “trial by publicity” ang pagresolba sa usapin. Aniya, kung may paratang at ebidensya, dapat itong iharap nang malinaw at buong tapang sa tamang forum.

“Kumbaga sa maleta, mananatiling sikreto ang laman niyan kung hindi ilalatag sa lamesa at bubuksan. Dito natin buksan sa Senado at suriin ang maleta ng katotohanan,” dagdag pa niya.

Nanawagan din ang senadora sa mga kasamahan niyang mambabatas na ituring ang isyu bilang pagkakataon upang linisin ang kanilang pangalan at itindig ang dangal ng institusyon. Para naman sa mga kasapi ng Philippine Marines na may nais ihayag, sinabi niyang tama at nararapat ang pagbibigay ng pahayag sa ilalim ng panunumpa upang maging opisyal ang lahat.

Sa kasalukuyan, wala pang detalyadong tugon mula sa iba pang sangkot na panig hinggil sa panawagan ng senadora. Inaasahang magiging sentro ng diskusyon sa mga susunod na araw ang naturang isyu sa loob at labas ng Kongreso.