Nasamsam ng mga awtoridad ang tinatayang P17.1 milyong halaga ng iligal na droga kabilang ang milyun-milyong halaga ng cocaine matapos maaresto ang isang high-profile drug personality sa ikinasang buy-bust operation sa Sitio Zone 3, Barangay Tulay sa bayang ito, bandang alas-1:50 ng madaling araw ngayong araw, Hulyo 1, 2026.

Ayon kay Jolo Municipal Police Station Deputy Chief PLT Benhar Asaddi, na nanguna sa operasyon katuwang ang 1st Provincial Mobile Force Company at Sulu Police Provincial Office, positibong nakuha sa pag-iingat ng suspek ang tatlong kilo ng hinihinalang cocaine na nagkakahalagang P15.9 milyon at 200 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P1.2 milyon.

Nasakote rin mula sa 28-anyos na suspek isang may-asawa at nakapagtapos ng kolehiyo ang P13,000 cash at iba pang mga ebidensya.

Kasalukuyan nang nakaditine ang suspek sa detention cell ng Jolo MPS habang inihahanda ang mga kaukulang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa kaniya. Ang naturang operasyon ay itinuturing na malaking tagumpay ng kapulisan laban sa pagpasok ng mga bagong uri ng mapanirang droga sa rehiyon.