Pumanaw ang isang mekaniko habang tatlo pa ang sugatan sa naganap na pamamaril sa isang motor parts shop sa Poblacion 1, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur ngayong araw ng Huwebes, Abril 30.

Kinilala ang nasawi na si Norjamer Unos Nangka, 21-anyos, habang sugatan naman sina Norjamer Hasim Unos, 21-anyos, Paharudin Usman Kambal, 32-anyos, at Jaher Pananguilan Angeles, 25-anyos na pawang mga mekaniko at residente ng nasabing lugar.

Sa paunang imbestigasyon ng Shariff Aguak Municipal Police Station, nagpapahinga umano ang mga biktima sa loob ng Pitsbike Motor Parts nang bigla silang pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng motorsiklo.

Ayon sa pulisya, magkaangkas ang mga suspek sa isang pulang Honda XRM na walang plaka bago tumakas patungo sa direksyon ng Shariff Aguak round ball matapos ang insidente.

Nagtamo ng mga tama ng bala ang mga biktima kung saan idineklarang dead on arrival si Nangka ng attending physician habang patuloy na ginagamot ang tatlong sugatan sa Bangsamoro Hospital.

Agad na rumesponde ang mga awtoridad matapos matanggap ang ulat alas-2:23 ng hapon at nakarating sa lugar makalipas ang ilang minuto upang i-secure ang crime scene.

Nakarekober ang mga imbestigador ng labing-apat na basyo ng bala na hinihinalang mula sa 9mm na baril na isasailalim sa ballistic examination.

Nagpatupad na rin ng hot pursuit operation ang pulisya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy at madakip ang mga suspek.