Isa na namang malaking tagumpay ang naitala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Maguindanao Provincial Office matapos maaresto ang isang hinihinalang high-value target sa isinagawang buy-bust operation noong Mayo 20, 2025 sa Al-Salam Street, Rosary Heights 3, Cotabato City.
Kinilala ang suspek sa alyas na Jabbar o Moktar, 41-anyos, lalaki, at residente ng lugar kung saan isinagawa ang operasyon. Siya ay nasa Regional Target List bilang ika-26 sa mga pangunahing target ng PDEA.
Sa naturang operasyon, tinatayang 500 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱3.4 milyon ang nasamsam. Kabilang din sa mga nakumpiska ang sampung pakete ng hinihinalang droga, buy-bust money, isang kulay abong Mitsubishi Mirage, cellphone, mga dokumentong pinansyal, at iba’t ibang identification cards.
Ang matagumpay na operasyon ay bunga ng koordinadong aksyon ng PDEA Maguindanao, Maguindanao Maritime Unit, Regional Intelligence Section, Cotabato City Police Station 1, at Cotabato City Public Safety Unit.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng PDEA BARMM Jail Facility ang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay PDEA BARMM Director Castro, “Ang tagumpay na ito ay patunay ng patuloy na dedikasyon ng mga ahensya ng gobyerno at ng lokal na pamahalaan sa paglaban sa ilegal na droga at pagpapanatili ng kapayapaan sa rehiyon.”