Isang malubhang armadong sagupaan ang naitala kagabi, Enero 29, 2026, bandang 9:35 ng gabi sa Barangay Bulol, Ligawasan, Special Geographic Area, 8 kilometro lamang mula sa istasyon ng pulisya.

Ayon sa paunang imbestigasyon, nag-ugat ang insidente sa rido sa pagitan ng grupo ni Commander Ismael Kulong Lidasan at ng grupo ni Commander Makaalay Guiamil Takubungan. Sa nasabing engkwentro, isang lalaki na nagngangalang Rambo Talayan, legal age at may asawa, ang nasawi.

Natanggap ng Ligawasan Municipal Police Station (MPS) ang tawag mula kay Barangay Chairman Macungan Mamento na nag-ulat sa kanila tungkol sa karahasan sa kanyang nasasakupan. Dahil sa liblib na lokasyon at mataas na tensyon, pinayuhan ang mga pulis na huwag munang pumunta upang maiwasan ang friendly fire.

Pagdating ng madaling-araw ng Enero 30, 2026, bandang 5:00 AM, humupa ang tensyon kaya ang mga tauhan ng Ligawasan MPS, katuwang ang 40th IB Alpha Company at lokal na pamahalaan, ay nakapasok sa lugar upang magsagawa ng masusing imbestigasyon. Lumabas sa unang pagsusuri na tumagal ang sagupaan nang halos 7 oras, na nagdulot ng banta sa kapayapaan at mataas na panganib sa mga sibilyan.

Patuloy ang presensya ng mga pulis at militar sa lugar upang tiyakin ang kaligtasan ng mga residente habang iniimbestigahan pa ang insidente.