Iniimbestigahan ngayon ng Cotabato City Police Office (CCPO) ang isang vehicular accident na nagresulta sa pagkasawi ng isang pulis, matapos ang insidente sa kahabaan ng Don Teodoro V. Juliano Avenue, Barangay Rosary Heights 12, Cotabato City, bandang 11:10 ng gabi noong Abril 24, 2026.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, si Pat Nurhuzzam Masukat Datumanong, 27 anyos, isang PNP personnel na naka-assign sa DOS MPS at driver ng puting Honda Giorno, ay umano’y nawalan ng kontrol sa minamanehong motorsiklo habang bumabagtas sa lugar. Dahil dito, tumilapon siya at nagtamo ng matinding pinsala sa ulo.

Habang nakahandusay sa kalsada, binangga pa umano ang biktima ng isang hindi pa nakikilalang itim na motorsiklo. Agad na tumakas ang rider ng naturang motorsiklo matapos ang insidente.

Agad namang isinugod ng mga rumespondeng pulis ang biktima sa Cotabato Regional and Medical Center, ngunit pumanaw ito bandang 6:00 ng gabi noong Abril 25, 2026 habang ginagamot dahil sa grabeng head injuries. Kalaunan ay kinuha ang kanyang mga labi ng pamilya para sa Muslim burial rites.

Patuloy ang follow-up investigation ng CCPO upang matukoy at maaresto ang tumakas na rider, habang kasalukuyang nire-review ang mga CCTV footage sa lugar. Ang nasangkot na motorsiklo ay nasa kustodiya na ng Traffic Enforcement Unit (TEU) para sa tamang disposisyon.

Nakipag-ugnayan na rin ang CCPO sa DOS MPS at iba pang kaukulang ahensya para sa proseso ng death benefits at tulong para sa pamilya ng yumaong pulis. Nagpaabot din ng pakikiramay ang CCPO sa naulilang pamilya at tiniyak ang masusing imbestigasyon sa insidente.