Magkakaroon ng nakatakdang 11-oras na power interruption sa buong sakop ng Cotabato Light and Power Corporation (CLPC), kabilang ang buong Cotabato City at ilang bahagi ng Maguindanao del Norte, bukas, araw ng Sabado, Hulyo 4.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), magsisimula ang pagkawala ng suplay ng kuryente alas-7:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng gabi.
Isasagawa ang power interruption upang bigyang-daan ang shutdown ng Sultan Kudarat–Datu Saudi Ampatuan 69kV Line para sa nakatakdang pagkukumpuni ng linya.
Sinabi ng NGCP na ang mga partikular na lugar na maaapektuhan ay nakabatay sa sakop ng distribution utility o CLPC.
Gayunman, tiniyak ng NGCP na magsasagawa ito ng lahat ng kinakailangang hakbang upang maibalik ang suplay ng kuryente nang mas maaga kung matatapos agad ang mga isinasagawang pagkukumpuni.
















