Nasakote ang labindalawang (12) indibidwal sa isinagawang checkpoint operation madaling-araw ng Abril 20, 2026, sa Duran, Parang, Maguindanao del Norte, kaugnay ng anti-smuggling activities at paglabag sa Republic Act No. 10591.

Ayon sa ulat, bandang 1:20 AM nang magsagawa ng intelligence-driven anti-criminality checkpoint ang pinagsanib na pwersa ng 3rd MP Platoon, 1401st RMFC, RMFB 14-A, Parang Municipal Police Station (MPS), TSC RMFB 14-A, at PNP Maritime Group, sa koordinasyon ng RID BAR at Bureau of Customs (BOC).
Sa operasyon, naharang ang tatlong sasakyan—isang silver na mini van, pulang Isuzu Elf, at itim na Toyota Fortuner—na naglalaman ng humigit-kumulang 6,500 reams ng smuggled na sigarilyong CANNON brand na may tinatayang halagang Php 5,431,725.00. Nakumpiska rin ang isang caliber .45 Springfield Armory pistol.

Kabilang sa mga naaresto ang driver ng mini van na si Jonada Alibaser Boga at labing-isang iba pang indibidwal mula sa iba’t ibang lugar sa Lanao del Sur at karatig-lugar, kabilang ang isang menor de edad na 14 taong gulang.
Isinagawa ang inventory ng mga nakuhang ebidensya sa presensya ni Barangay Kagawad Ildefonso M. Santos Jr. ng Barangay Sarmiento upang matiyak ang transparency ng operasyon.
Dinala ang mga suspek, kasama ang mga nakumpiskang ebidensya, sa Parang MPS para sa masusing imbestigasyon at kaukulang disposisyon. Inaasahan ding ililipat ang mga smuggled na sigarilyo sa Sub-Port Parang ng Bureau of Customs para sa karagdagang proseso.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang iba pang posibleng sangkot sa ilegal na aktibidad.

















