Isang 14-anyos na estudyante ang natuklasang may dalang unloaded na .357 Smith & Wesson Magnum revolver sa loob ng kanyang bag sa Lut-od National High School sa Barangay Lut-od, Pinamungajan, Cebu nitong kahapon, Agosto 20.
Nadiskubre ang armas nang magsagawa ng surprise inspection sa mga bag ng mga estudyante ang Grade 9 adviser ng menor-de-edad bilang bahagi ng mga hakbang pangseguridad sa paaralan.
Agad namang ipinaalam ng guro sa school head ang pagkakatuklas sa baril, na humingi ng tulong sa Pinamungajan Municipal Police Station.
Nakuha ng mga pulis ang naturang revolver na walang lamang bala mula sa school bag ng 14-anyos na estudyante.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, umano’y kinuha ng estudyante ang baril mula sa isang cabinet sa kanilang bahay.
Napag-alaman na ang naturang armas ay pagmamay-ari ng kanyang lolo at itinatago lamang sa loob ng cabinet.
Samantala, ini-turn over na ang estudyante sa Municipal Social Welfare and Development Office o MSWDO para sa kaukulang proseso, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa pinagmulan at pagdadala ng armas sa paaralan.

















