Sumailalim sa imbestigasyon ang 15 Chinese nationals matapos ipatupad ng Bureau of Immigration ang Mission Order No. 2026-365 laban sa kanila sa Alicia Municipal Police Station, Zamboanga Sibugay, noong Oktubre 13.

Ayon sa 1st Infantry (TABAK) Division ng Philippine Army, sinuportahan ng 106th Infantry Battalion at iba pang intelligence units ang operasyon.

Inaalam ngayon kung may kaugnayan ang mga dayuhan sa naunang nadiskubreng scam hub o kung posibleng biktima sila ng human trafficking.

Matapos ang paunang proseso, inilipat sila sa Casa De Coco Pensione House sa Siay para sa dokumentasyon at beripikasyon ng kanilang immigration status.

Batay sa paunang ulat, iniuugnay sila sa mga indibidwal na naaresto sa hiwalay na operasyon noong Oktubre 2 sa Barangay Tandiong Muslim, Alicia.

Gayunman, patuloy pang bineberipika ng mga awtoridad ang kanilang posibleng papel sa insidente.