Labing-anim na dating miyembro ng Communist Terrorist Group o CTG ang pormal na nagbalik-loob sa pamahalaan sa isinagawang seremonyal na presentasyon sa Palimbang at Kalamansig, Sultan Kudarat noong Agosto 29.
Ayon sa Philippine Army, lahat ng 16 ay kabilang sa Manobo Dulangan Indigenous Peoples Tribe, kabilang ang isang dating vice commander ng grupo.
Pinangunahan ng 603rd Infantry Brigade, sa pamamagitan ng 37th Infantry Battalion, ang seremonya katuwang ang mga lokal na pamahalaan, OPAPRU at Philippine National Police.
Sampung dating miyembro ang ipinrisinta sa Palimbang, habang anim naman ang ipinrisinta sa Kalamansig.
Nanumpa ang mga ito ng katapatan sa pamahalaan at nangakong mamuhay nang mapayapa kasama ang kanilang mga komunidad.
Tiniyak naman ng mga lokal na opisyal at OPAPRU ang patuloy na suporta para sa kanilang reintegrasyon, kabilang ang kabuhayan, edukasyon at skills training.
Hinikayat din ng Army ang iba pang miyembro ng armadong grupo na piliing magbalik-loob at muling makasama ang kanilang mga pamilya.

















