Dalawa ang nasawi, kabilang ang isang college student, matapos mauwi sa barilan ang matagal nang alitan ng dalawang pamilya sa Barangay Patot, Pahamuddin, SGA sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ayon kay Pahamuddin Chief of Police Capt. Rafael Bataan, lumalabas sa imbestigasyon na posibleng ugat ng insidente ang sigalot ng dating mag-asawa, na kinasasangkutan ng usapin sa lupang dalawang ektarya na ibinigay bilang dowry noong sila ay ikinasal.
Batay sa paunang ulat, nauwi sa hiwalayan ang mag-asawa dahil sa mga hindi pagkakaunawaan, na lalo pang nagpainit nang igiit umano ng lalaki na bawiin ang lupa matapos ang paghihiwalay.
Lumitaw rin sa imbestigasyon na hindi ito unang insidente ng karahasan sa pagitan ng dalawang pamilya, matapos na maitala na may naunang pananambang na posibleng nagpalala sa tensyon at tuluyang humantong sa madugong sagupaan.
Agad na rumesponde sa lugar ang mga pulis, barangay officials, at Joint Peace and Security Team (JPST) upang mapakalma ang sitwasyon at maiwasan ang paglala ng kaguluhan.
Pinapayuhan ngayon ng mga awtoridad ang magkabilang panig na manatiling kalmado at umiwas sa anumang hakbang na posibleng magdulot pa ng panibagong karahasan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

















