Natagpuang wala nang buhay ang isang 20-anyos na estudyante sa loob ng kanilang bahay sa Purok Pagkakaisa, Barangay Rosary Heights 13, Cotabato City.

Kinilala ang biktima sa alyas na Ray, 20-anyos, binata at residente ng nasabing lugar.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, unang nakita ng nakababatang kapatid ng biktima na kinilalang si Ren ang biktima na wala nang buhay sa kanilang kuwarto sa itaas ng bahay.

Agad nitong tinawag ang kanilang kaanak, na nagtungo sa kuwarto at sinubukang isagawa ang resuscitation sa biktima.

Gayunman, hindi na ito nailigtas.

Bandang alas-diyes ng umaga nitong araw nang personal na nagtungo sa Police Station 2 ang tiyahin ng biktima upang iulat ang insidente.

Agad namang nagtungo sa lugar ang mga tauhan ng pulisya kasama ang duty investigator upang beripikahin ang ulat.

Natagpuan doon ang biktima na nakahandusay sa sahig.

Samantala, hiniling na ng pulisya ang Regional Forensic Unit-Bangsamoro Autonomous Region o RFU-BAR upang magsagawa ng crime scene processing.

Patuloy naman ang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi at iba pang detalye sa pagkamatay ng biktima.