Inilunsad ngayong araw, Hulyo 6, 2026, ng Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Norte ang mga programang “Kumustahan sa Barangay,” “Mobile Hospital,” at “Libreng Sakay,” na naglalayong mailapit ang mahahalagang serbisyo ng pamahalaan sa mga residente ng lalawigan.
Sa panayam kay Gov. Datu Tucao Mastura, CPA, sinabi nito na bahagi ng inisyatibong ito ang pagbibigay ng komprehensibong serbisyong medikal sa pamamagitan ng Mobile Hospital. Kabilang dito ang libreng X-ray, ultrasound, minor surgery, at iba pang pangunahing serbisyong pangkalusugan upang mas mapadali ang pag-access ng mga mamamayan sa dekalidad na serbisyong medikal.
Kasabay nito, inilunsad din ang programang Libreng Sakay, kung saan magbibigay ng libreng transportasyon ang mga electric bus na iikot sa iba’t ibang bayan ng Maguindanao del Norte upang makatulong sa pang-araw-araw na biyahe ng mga residente.
Ayon kay Governor Mastura, layunin ng mga programang ito na mabawasan ang gastusin ng mga mamamayan, mapalawak ang akses sa serbisyong pangkalusugan at transportasyon, at matiyak na naaabot ng mga programa ng pamahalaang panlalawigan ang bawat barangay sa lalawigan.

















