Natagpuang wala nang buhay ang isang 22-anyos na estudyante sa bahagi ng ilog sa Barangay Matingen, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte kahapon Agosto 10, 2026.
Kinilala ang biktima na si Abubakar Lauban Hasim, estudyante ng Cotabato State University at residente ng Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao del Sur.
Batay sa ulat ng Sultan Kudarat Municipal Police Station, nakatanggap ang mga awtoridad ng impormasyon mula sa Barangay Local Government Unit ng Matingen dakong alas-3:30 ng hapon tungkol sa isang taong nakitang wala nang buhay sa ilog.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng pulisya at nakarating sa lugar dakong alas-3:42 ng hapon, kung saan nakumpirma ang pagkakatagpo sa bangkay ng biktima.
Sa paunang imbestigasyon, natagpuan ang biktima na nakalutang sa ilog at posibleng inanod ng agos ng tubig.
Nang matagpuan, nakasuot ito ng itim na kamiseta at itim na pantalon.
Napansin din sa katawan ng biktima ang mga sugat sa dibdib at itaas na bahagi ng tiyan, ngunit hindi pa matukoy ang eksaktong sanhi ng mga ito.
Hindi pa rin malinaw ang motibo sa pagkamatay ni Hasim, habang wala pang natutukoy na suspek na responsable sa insidente.
Nakipag-ugnayan naman ang pulisya sa Regional Forensic Unit BAR para sa crime scene processing at sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office para sa kaukulang assistance.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong pangyayari at matukoy kung may pananagutan ang sinumang sangkot sa pagkamatay ng biktima.

















