Nasawi ang isang 23-anyos na driver matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek habang nagmamaneho ng kanyang payong-payong sa Diversion Road, Barangay Capiton, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Naganap ang pamamaril dakong alas-10:40 kagabi, Agosto 20, 2026, at naiulat sa pulisya makalipas lamang ang limang minuto.
Kinilala ang biktima na si Chopin Mohammad Blah, alyas Makoy, may asawa at residente ng Barangay Capiton.
Batay sa paunang imbestigasyon, binabagtas ng biktima ang nasabing lugar sakay ng kanyang payong-payong nang bigla siyang pagbabarilin ng suspek o mga suspek.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang gunman patungo sa hindi matukoy na direksyon.
Narekober naman ng mga rumespondeng pulis sa crime scene ang dalawang basyo ng bala na hinihinalang mula sa kalibre .45 na baril.
Kaagad na isinugod ang biktima sa Cotabato Regional and Medical Center o CRMC sa Cotabato City, ngunit idineklara itong dead on arrival ng attending physician.
Samantala, kinuha ng kanyang asawang si alyas Bai ang labi ng biktima at dinala sa Barangay Katuli, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte para sa Islamic burial rites.
Patuloy naman ang hot pursuit operation ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station para matukoy at maaresto ang suspek o mga suspek sa pamamaril.
Inaalam pa rin ng pulisya ang motibo sa krimen habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

















