Nasawi ang 24-anyos na lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa isang liblib na lugar sa Sitio Katalanga nitong Miyerkules ng tanghali.
Kinilala ang biktima na si Mohaimin Mangolamas Kamoguia, residente ng Poblacion Dalican sa Datu Odin Sinsuat.
Batay sa ulat, naganap ang insidente bandang alas-12:55 ng tanghali, Abril 15, 2026 at iniulat sa pulisya makalipas ang ilang minuto, dakong ala-1:00 ng hapon.
Agad rumesponde ang mga tauhan ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station upang beripikahin ang insidente.
Pagdating sa lugar, natagpuan ang biktima na nasa kritikal na kondisyon. Agad siyang isinugod sa Dalican Municipal Hospital ngunit idineklara siyang dead on arrival ng attending physician.
Sa paunang imbestigasyon, lumabas na minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo sa isang liblib na bahagi ng Barangay Dados nang bigla na lamang sumulpot ang suspek at pinagbabaril siya ng ilang beses gamit ang kalibre .45 na baril.
Dalawang basyo ng bala ang narekober sa pinangyarihan ng krimen. Matapos ang pamamaril, tumakas ang suspek at tinangay pa ang motorsiklo ng biktima.
Sa kasalukuyan, hindi pa matukoy ang motibo ng krimen at patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang makilala ang salarin at matunton ang mga posibleng saksi. Nagsagawa na rin ng hot pursuit operation ang mga awtoridad laban sa tumakas na suspek.

















