Arestado ang isang miyembro ng Philippine National Police (PNP) matapos mahulihan ng hinihinalang smuggled cigarettes sa isinagawang checkpoint operation sa Pagadian City, Zamboanga del Sur noong Hulyo 12, 2026.
Batay sa ulat, nagsagawa ng checkpoint ang mga intelligence personnel ng Pagadian City Police Station sa kahabaan ng National Highway sa Barangay Tiguma matapos makatanggap ng impormasyon kaugnay sa umano’y pagbiyahe ng mga kontrabandong sigarilyo. Nang harangin ang sasakyan, natuklasan ang ilang ream ng sigarilyo na nakatago sa loob nito.
Kaagad na nakipag-ugnayan ang mga awtoridad sa Bureau of Customs (BOC) para sa imbentaryo at pagsusuri ng mga nakumpiskang ebidensya. Umabot sa 251 reams ng New Berlin cigarettes na may tinatayang halagang P1.285 milyon ang nasamsam.
Ang naarestong suspek ay isang lalaking pulis na nasa wastong gulang at kasalukuyang nakatalaga sa Camp Crame sa Quezon City. Siya ay nasa kustodiya na ng pulisya habang isinasailalim sa kaukulang proseso at imbestigasyon.
Binigyang-diin ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. na walang puwang sa organisasyon ang anumang uri ng paglabag sa batas, maging sino man ang sangkot.
Ayon kay Nartatez, patuloy na paiigtingin ng PNP ang mga mekanismo ng pananagutan at internal monitoring upang mapanatili ang integridad ng organisasyon at ang tiwala ng publiko, kasabay ng pagtiyak na mapangangalagaan ang karapatan ng lahat ng sangkot alinsunod sa due process.

















