May kabuuang 26 na lugar sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang isinailalim sa Red Category ng Commission on Elections (COMELEC) bilang bahagi ng pinakahuling talaan ng Election Areas of Concern (EAC) para sa nalalapit na Bangsamoro Parliamentary Elections.

Batay sa datos ng COMELEC noong Hulyo 29, 2026, may 18 lugar ang nasa Green Category, 41 ang nasa Yellow Category, 23 ang nasa Orange Category, at 26 ang nasa Red Category.

Ang Green Category ay tumutukoy sa mga lugar na walang naitalang banta sa seguridad at nananatiling mapayapa at maayos.

Samantala, ang Yellow Category ay para sa mga lugar na may naitalang hinihinalang election-related incidents sa nakaraang dalawang halalan, may politically motivated incidents sa kasalukuyang election period, matinding political rivalry, o dati nang isinailalim sa COMELEC control.

Ang Orange Category naman ay inilalapat sa mga lugar na may dalawa o higit pang salik na kabilang sa Yellow Category o may umiiral na seryosong banta mula sa mga armadong grupo.

Samantala, ang Red Category ay para sa mga lugar na may isa o higit pang salik mula sa Yellow o Orange Category na sinasabayan ng seryosong armadong banta, o may batayan upang maisailalim sa COMELEC control.

Ayon sa COMELEC, ang mga lugar na nasa Red Category ay maaaring ideklarang nasa ilalim ng COMELEC control kung kinakailangan upang matiyak ang mapayapa at ligtas na pagdaraos ng halalan sa Setyembre 14.