Dalawampu’t walong indibidwal ang ligtas na nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos magkaroon ng aberya ang sinasakyang motorized banca sa karagatang sakop ng Barangay Gumasa, Glan, Sarangani, kahapon ng umaga, June 22.
Ayon sa Coast Guard District Southern Mindanao (CGDSM), bandang alas-5:00 ng umaga nang makatanggap ng distress call ang Coast Guard Station Eastern Sarangani mula sa isa sa mga pasahero ng MBCA Lerrie Jie na nakaranas ng problema habang naglalayag.
Agad namang nagpadala ng search and rescue team ang Coast Guard upang beripikahin ang ulat at magbigay ng kinakailangang tulong.
Pagsapit ng alas-5:30 ng umaga, natunton ng mga rescuer ang bangka may humigit-kumulang 300 metro mula sa baybayin, kung saan ligtas pang nasa loob ang lahat ng pasahero at tripulante.
Matapos ang isinagawang rescue operation, matagumpay na naihatid sa pampang ang sasakyang-dagat kasama ang 26 na pasahero at dalawang tripulante bandang alas-6:32 ng umaga. Wala namang naiulat na nasugatan o nasawi sa insidente.
Sa paunang imbestigasyon, lumitaw na bumiyahe ang MBCA Lerrie Jie mula Lower Makar sa General Santos City patungong Balut Island nang magkaroon ng sira sa propeller shaft nito. Dahil dito, pinasok ng tubig-dagat ang bangka at hindi na nito naipagpatuloy ang paglalayag.
Patuloy namang inaalam ng Coast Guard ang iba pang detalye kaugnay ng insidente habang muling pinaalalahanan ang publiko na agad iulat sa pinakamalapit na himpilan ng PCG ang anumang emergency sa karagatan upang matiyak ang mabilis na pagtugon at kaligtasan ng mga biyahero.

















