Tatlong dating kasapi ng isang violent extremist group ang boluntaryong nagbalik-loob sa pamahalaan at nagsuko ng mga kagamitang pandigma sa isinagawang culmination program ng Modified Community Support Program (MCSP) ng 34th Infantry Battalion sa Barangay Bialong, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur kahapon, July 9.
Sa ulat ng militar, limang armas ang isinuko ng mga nagbalik-loob, kabilang ang isang rocket-propelled grenade (RPG), dalawang Garand rifle, at dalawang pistola. Pormal na itong iniharap kay Brigadier General Edgar L. Catu, commander ng 601st Infantry Brigade.
Ayon sa 34IB, ang pagbabalik-loob ng tatlong indibidwal ay kasunod ng information dissemination campaign na isinagawa noong June 30, kung saan hinikayat ang mga natitirang miyembro ng armadong grupo na talikuran ang armadong pakikibaka at samantalahin ang mga programang pangkapayapaan ng pamahalaan.
Kasabay ng culmination program, nagsagawa rin ng Serbisyo Caravan ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang maghatid ng mga pangunahing serbisyo sa mga residente ng Barangay Bialong.
Nagbigay rin ng agarang tulong ang Lokal na Pamahalaan ng Shariff Aguak, Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Sur, at ang Ministry of Social Services and Development (MSSD) sa mga nagbalik-loob, kabilang ang food packs, bigas, at cash assistance bilang bahagi ng kanilang reintegration sa komunidad.
Bilang bahagi rin ng MCSP, isinagawa ang ikatlong batch ng Unifier Dream Builder–Youth Educational Tour, na nilahukan ng 50 Arabic students mula sa Barangay Bialong. Layunin ng aktibidad na palakasin ang kamalayan ng mga kabataan tungkol sa kahalagahan ng kapayapaan, disiplina, kahandaan sa sakuna, at aktibong pakikilahok sa pagpapaunlad ng kanilang komunidad.
Samantala, muling hinikayat ng mga opisyal ng militar ang mga natitirang miyembro ng armadong grupo na samantalahin ang mga programang pangkapayapaan ng pamahalaan at magbalik-loob upang makapagsimula ng panibagong buhay. Binigyang-diin din nila ang patuloy na pakikipagtulungan ng kasundaluhan sa mga lokal na pamahalaan sa pagpapanatili ng kapayapaan at paghahatid ng mga pangunahing serbisyo sa mga komunidad.

















