Nagkasundo ang Committee on Environment, Natural Resources and Energy ng Bangsamoro Parliament na magsagawa ng mas malawak na konsultasyon sa mga technical expert, kaukulang ahensya ng pamahalaan, at mga electric cooperative kaugnay ng tatlong panukalang batas na tumatalakay sa pangangalaga ng watershed, solid waste management, at rural electrification.

Ayon kay Committee Chair Tawakal Midtimbang, layunin ng konsultasyon na higit pang mapahusay ang mga panukalang batas bago ito isumite sa plenaryo para sa pinal na pagtalakay.
Isa sa mga tinalakay ang BTA Parliament Bill No. 126, na naglalayong ideklarang protected area ang Dimapatoy Watershed sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte. Mahalaga ang nasabing watershed dahil nagsisilbi itong pangunahing pinagkukunan ng malinis na inuming tubig ng Cotabato City at mga karatig na bayan.
Hiniling din ng mga mambabatas ang pinakahuling ulat hinggil sa kalagayan ng watershed at binigyang-diin ang pangangailangang paigtingin ang pangangalaga sa iba pang mahahalagang likas na yaman sa rehiyon, kabilang ang Lake Lanao, Ligawasan Marsh, at Rio Grande de Mindanao River.
Tinalakay rin ng komite ang Parliament Bill No. 453 o ang May Ayuda sa Basura Act of BARMM, na naglalayong magpatupad ng trash-to-cash program kung saan mabibigyan ng insentibo ang mga residente kapalit ng maayos na paghihiwalay at pagsasauli ng mga recyclable na basura.
Kasabay nito, isinailalim din sa paunang deliberasyon ang BTA Bill No. 263, na nagmumungkahi ng paglikha ng Bangsamoro Electrification Administration o BEA upang mapalawak ang suplay ng kuryente sa mga liblib at hindi pa naaabot ng elektripikasyon sa rehiyon.
Ayon kay Member of Parliament Jaafar Apollo Mikhail Matalam, may-akda ng panukala, layunin nitong palakasin ang mga electric cooperative, maglaan ng suportang pinansyal, at maghanap ng mga alternatibong paraan ng pagpopondo upang matugunan ang lumang imprastraktura at kakulangan sa suplay ng kuryente sa BARMM.
Sa unang pagtalakay, nagbigay ng paunang obserbasyon ang mga miyembro ng komite hinggil sa saklaw ng mga panukala at sa mekanismo ng pagpapatupad ng mga ito, dahilan upang magpasya ang komite na magsagawa pa ng karagdagang konsultasyon sa mga resource person.
Sinabi naman ni Midtimbang na makikipagpulong din ang komite sa Ministry of Environment, Natural Resources and Energy upang suriin ang pagpapatupad ng mga umiiral na batas at polisiya sa pangangalaga ng kalikasan sa Bangsamoro Region.

















