Tatlong indibidwal ang inaresto at mahigit Php 641,000 na halaga ng umano’y illegal na sigarilyo ang nakumpiska ng mga pinagsanib na pwersa ng Regional Mobile Unit 12 (RMU12), Datu Paglas Municipal Police Station (MPS), at Bureau of Customs Region XII noong Mayo 8, 2026 sa Brgy. Poblacion, Datu Paglas, Maguindanao del Sur.

Ayon sa ulat, nakatanggap ang RMU12 ng impormasyon tungkol sa umano’y transportasyon ng mga ilegal na sigarilyo mula Zamboanga City papuntang General Santos City. Sa agarang aksyon, nagsagawa ang RMU12 ng monitoring at interdiction operation na nauwi sa maikling hot pursuit at interception ng dalawang sasakyan sa joint checkpoint sa National Highway, Brgy. Poblacion, Datu Paglas.

Sa inspeksyon, nakita ng mga awtoridad ang mga master cases at reams ng sigarilyo na pinaghihinalaang ilegal. Hindi naipakita ng mga suspek ang kinakailangang dokumento gaya ng authority to transport, BIR registration, at customs papers, dahilan upang arestuhin sila sa paglabag sa RA 8424, RA 10863, at RA 10643.

Sa paunang koordinasyon sa Bureau of Customs Region XII, nakumpirma na ang mga produkto ay suspected illicit at walang dokumento, at kasalukuyang sumasailalim sa karagdagang evaluation.

Pinuri ni PBGEN Christopher M. Abecia, Regional Director ng PRO BAR, ang mga nakibahaging yunit sa matagumpay na operasyon. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagsasama-sama ng pwersa at checkpoint operations upang mapigilan ang smuggling.

“Ang operasyong ito ay nagpapatunay sa bisa ng koordinadong law enforcement efforts laban sa smuggling. Patuloy kaming nakatuon sa pagpapatibay ng aming operasyon at pagtugon sa lahat ng ilegal na gawain alinsunod sa batas,” pahayag ni PBGEN Abecia.