Tuloy-tuloy ang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) sa nangyaring ambush noong March 28, 2026 sa Maguindanao del Sur, kasunod ng aktibasyon ng Special Investigation Task Group–PMFC (SITG-PMFC).
Kahapon, April 22, pormal nang isinampa ng PNP sa Office of the Provincial Prosecutor ang mga kasong Multiple Murder, Multiple Frustrated Murder, at Theft. Ang mga kaso ay na-docket sa ilalim ng reference numbers XIV-05A-INV-26D-00421, XIV-05A-INV-26D-00422, at XIV-05A-INV-26D-00423.
Ayon sa PNP, sila ang nagsilbing nominal complainant upang matiyak ang maayos na pagsisimula ng legal na proseso ng kaso.
Batay sa masusing imbestigasyon, natukoy ang 31 respondents na umano’y kabilang sa mga Local Terrorist Groups (LTGs), partikular sa DI–Hassan Group (Main Group), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), at ilang miyembro ng Panenekelan Group.
Sa tulong ng testimonya ng mga saksi at intelligence at technical support mula sa PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP), natukoy din ang papel ng bawat sangkot sa insidente—kabilang ang mga direktang umatake, blocking forces, spotters, at mga indibidwal na umano’y nagpondo at nagbigay ng logistical support.
Giit ng mga awtoridad, layunin ng hakbang na matiyak ang pananagutan sa lahat ng antas ng pagkakasangkot sa krimen.
Ayon pa sa PNP, ang pagsasampa ng kaso ay patunay ng kanilang determinasyon na ituloy ang hustisya hanggang sa mapanagot ang lahat ng responsable. Wala umanong makaliligtas sa batas, at patuloy na paiigtingin ang operasyon upang matiyak ang kaayusan at seguridad sa lugar.

















