Sugatan ang limang sibilyan matapos sumiklab ang palitan ng putok sa pagitan ng dalawang nag-aalitang pamilya sa Sitio Barupit, Barangay Pindolonan, Picong, Lanao del Sur nitong Mayo 19, 2026.

Batay sa paunang imbestigasyon, dakong alas-3:30 ng hapon nang personal na magtungo sa himpilan ng pulisya sa Picong ang isang concerned citizen upang iulat ang nagaganap na putukan sa lugar, na nasa humigit-kumulang limang kilometro mula sa istasyon ng pulisya.

Agad namang rumesponde ang pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ng Picong Municipal Police Station, 2nd Provincial Mobile Force Company ng Lanao del Sur Police Provincial Office, at 51st Infantry Battalion ng Philippine Army upang mapayapa ang sitwasyon. Ngunit pagdating ng mga otoridad sa lugar, nagpapatuloy pa umano ang bakbakan.

Sa inisyal na ulat, lumalabas na ang sagupaan ay may kaugnayan sa naunang insidente ng pamamaril na naganap din sa parehong barangay sa mas maagang bahagi ng araw. Ayon sa imbestigasyon, matapos umalis ang mga rumespondeng otoridad kaugnay ng unang insidente, pinagbabaril umano ng armadong grupo ang mga residente na may kaugnayan sa panig ni Samad Atil Saripada gamit ang hindi pa matukoy na matataas na kalibre ng baril. Gumanti umano ng putok ang kabilang panig na humantong sa mahigit 40 minutong palitan ng putok.

Lumalabas din sa imbestigasyon na ang lider ng panig ng mga biktima ay biyenan umano ng nasawi o biktima sa naunang pamamaril.

Dahil sa insidente, limang sibilyan ang nagtamo ng tama ng bala, kabilang ang isang menor de edad na babae at isang 18-anyos na lalaki. Kaagad silang isinugod ng kani-kanilang pamilya sa Dr. Serapio Montañer Memorial Hospital para sa agarang gamutan.

Samantala, iniulat na tumakas ang mga suspek patungo sa mabundok na bahagi na sakop ng direksyon ng Pualas, Lanao del Sur. Nagsagawa naman ng hot pursuit at dragnet operations ang mga otoridad katuwang ang mga kalapit na himpilan ng pulisya para sa posibleng pagdakip sa mga sangkot. Patuloy rin ang imbestigasyon habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa mga pinatutukoy na responsable sa insidente.