Inaresto ng mga pulis ang limang suspek sa umano’y carnapping ng isang motorsiklo sa Barangay Poblacion 6, Midsayap, Cotabato, dakong alas-6:55 ng umaga ngayong Biyernes Oktubre 23. Isa sa mga suspek ang nagtamo ng minor injury sa kaliwang braso matapos ang palitan ng putok sa pagitan ng mga suspek at rumespondeng pulis.
Batay sa ulat ng Midsayap Municipal Police Station, natanggap nila ang sumbong dakong alas-6:53 ng umaga tungkol sa umano’y pagnanakaw ng isang itim na Yamaha Mio motorcycle. Agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga pulis kasama ang mga tauhan ng NCPHT RHPU 12 at 2nd Cotabato Provincial Mobile Force Company.
Naabutan ang limang suspek sakay ng isang kulay-abong minivan na may plakang KAO 6467, kung saan narekober ang sinasabing ninakaw na motorsiklo. Ayon sa pulisya, nagpaputok umano ang mga suspek sa mga rumespondeng awtoridad kaya gumanti ng putok ang mga ito bilang pagtatanggol sa sarili.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas Sam, 18; Kors, 18, na nasugatan; Datu, 21; Al, 18; at alyas Amod, 18. Lahat sila ay residente ng Barangay Timbangan, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur.
Bukod sa motorsiklo at minivan, narekober din ang isang .45-caliber pistol, isang basyo ng bala, tatlong buhay na bala, isang magazine, at mga susi ng dalawang sasakyan.
Inihahanda na ng pulisya ang mga kasong paglabag sa Republic Act 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016 at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act para sa pagsasampa sa Office of the Provincial Prosecutor.

















