Inaprubahan ng mga delegado ng ika-4 na Bangsamoro Youth Parliament ang anim na panukalang batas at tatlong resolusyon sa pagtatapos ng limang araw na parliamentary exercise na isinagawa sa Cotabato City mula Hulyo 27 hanggang 31.

Pinangunahan ng Bangsamoro Youth Commission (BYC) ang aktibidad na dinaluhan ng 80 Young Members of Parliament mula sa anim na lalawigan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sa loob ng limang araw, lumahok ang mga delegado sa iba’t ibang committee deliberations, plenary debates, at parliamentary sessions bilang bahagi ng pagsasanay sa proseso ng paggawa ng batas at pamamahala.

Ayon kay BYC Chairperson Nasserudin Dunding, layunin ng Bangsamoro Youth Parliament na higit pang mahubog ang kakayahan ng kabataan sa policymaking, parliamentary debate, diplomasya, critical thinking, consensus-building, at ethical leadership.

Kabilang sa mga inaprubahang panukalang batas ang pagpapalawak ng ligtas na transportasyon para sa mga mag-aaral sa mga isla at liblib na lugar, pagtatatag ng youth transparency portal, paglikha ng strategic economic zones, pagpapalakas ng youth health programs, pagbuo ng emergency health access and alert system, at pagpapatibay ng child welfare program para sa mga toril sa Bangsamoro.

Samantala, inaprubahan rin ang tatlong resolusyon na naglalayong palakasin ang proteksyon sa mga biktima ng child, early, and forced marriage, tugunan ang krisis sa literacy at edukasyon sa Bangsamoro, at magsagawa ng komprehensibong pag-aaral hinggil sa youth economic empowerment at agricultural development.

Bilang bahagi ng pagtatapos ng programa, pormal na isinumite ng mga kabataang delegado ang mga inaprubahang panukalang batas at resolusyon kina Bangsamoro Transition Authority Parliament Speaker Mohammad S. Yacob at Deputy Speaker Engr. Baintan A. Ampatuan bilang mga rekomendasyong maaaring pag-aralan at isaalang-alang ng Bangsamoro Parliament.

Ang ika-4 na Bangsamoro Youth Parliament ay isinagawa ng Bangsamoro Youth Commission sa pakikipagtulungan ng Bangsamoro Government at sa suporta ng Tanggapan ni Member of Parliament Abrar A. Hataman, bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng aktibong partisipasyon ng kabataang Bangsamoro sa pamamahala.