Pinalalakas ng 602nd Infantry Brigade ng Philippine Army ang pakikipagtulungan nito sa mga lokal na opisyal upang mapanatili ang seguridad at maisulong ang kaunlaran sa mga komunidad sa paligid ng Ligawasan Marsh.

Ito ay kasunod ng courtesy visit ni Colonel Romeo N. Bautista III, Acting Commander ng 602nd Infantry Brigade, kay Barangay Chairman Gulam A. Guimbalanan sa Barangay Kabasalan noong Oktubre 8, 2026.

Isinagawa ang pag-uusap sa pampang ng Rio Grande de Mindanao, na nagsisilbing mahalagang daluyan ng transportasyon, kalakalan at kabuhayan ng mga komunidad sa Mindanao.

Tinalakay rin ang kahalagahan ng bagong natapos na flood control project ng National Irrigation Administration o NIA, na naglalayong makatulong sa pagprotekta sa mga sakahan at kabahayan laban sa pagbaha.

Kaugnay nito, may mga sundalo ng Philippine Army na nakatalaga sa Barangay Kabasalan upang tumulong sa pagpapanatili ng seguridad ng komunidad at pagprotekta sa naturang imprastraktura.

Sa naturang pagbisita, nakipagpulong din si Bautista sa mga opisyal ng barangay at sinuri ang kalagayan ng mga sundalong nakatalaga sa lugar.

Nagpasalamat naman si Guimbalanan sa patuloy na presensya at suporta ng Philippine Army sa pagpapanatili ng kapayapaan at pagsuporta sa mga programa para sa kaunlaran ng kanilang barangay.

Layunin ng naturang pagbisita na patatagin ang ugnayan ng militar at mga lokal na lider sa pagsusulong ng kapayapaan, pagprotekta sa mga pampublikong imprastraktura at pagsuporta sa mga komunidad sa paligid ng Ligawasan Marsh.