Bumaba sa kabuuang 62 barko ng Chinese naval at coast guard ang namataan sa apat na mahahalagang bahagi ng West Philippine Sea (WPS) nitong Abril, mas mababa kumpara sa 90 na naitala noong Marso.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson para sa WPS Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, kabilang sa mga minonitor na barko ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) at China Coast Guard (CCG) ay nakita sa Bajo de Masinloc, Ayungin Shoal, Escoda Shoal, at Pag-asa Islands.

Sa tala ng AFP, 24 barko ang namataan sa Bajo de Masinloc na binubuo ng siyam na PLAN at 15 CCG vessels. Sa Ayungin Shoal naman ay may 12 barko, kabilang ang dalawang PLAN at 10 CCG vessels.

Naitala rin ang 17 barko sa Escoda Shoal na kinabibilangan ng siyam na PLAN at walong CCG vessels, habang siyam naman ang nakita sa Pag-asa Islands na binubuo ng isang PLAN at walong CCG vessels.

Sinabi ni Trinidad na patuloy na nagpapakita ang mga aktibidad ng China ng ilegal, mapilit, agresibo at mapanlinlang na pagkilos na umano’y sumasalungat sa rules-based international order at naglalayong pahinain ang teritoryal na integridad, soberanya at sovereign rights ng Pilipinas.

Gayunman, hindi nagbigay ng tiyak na dahilan ang AFP hinggil sa pagbaba ng bilang ng mga barkong Tsino nitong Abril.

Sa kabila nito, tiniyak ng Philippine Navy at AFP na magpapatuloy ang kanilang mandato sa pagpapanatili ng maritime security sa WPS sa pamamagitan ng pinaigting na operational readiness, maritime domain awareness at koordinasyon sa iba’t ibang ahensya.

Sa parehong panahon, sinabi rin ni Trinidad na matagumpay na namonitor ng AFP at Philippine Navy ang kabuuang 21,052 sasakyang pandagat sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.

Mula Abril 1 hanggang 30, 2026, umabot sa 3,528 lokal na barko at 17,524 dayuhang barko ang naitala. Sa kabuuang bilang, 14,343 barko ang tumugon sa radio challenges habang 6,709 naman ang hindi sumagot.

Ayon pa sa AFP, mahalaga ang monitoring at challenge procedures upang mapanatili ang presensya ng bansa sa karagatan, mapalakas ang situational awareness at maipatupad ang lawful maritime protocols para sa seguridad, pananagutan at katatagan sa dagat.