Ikinalat na ng 6th Infantry “Kampilan” Division ng Philippine Army at ng kapulisan ang kanilang mga tropa sa ilang lugar sa Central Mindanao na kamakailan lamang ay nabulabog sa serye ng engkuwentro sa pagitan ng mga armadong grupong Moro.

Kabilang sa mga lugar na mahigpit ngayong binabantayan ay ang Barangay Masigay sa Datu Piang, Maguindanao del Sur; Barangay Lomopog sa Midsayap, North Cotabato; at Barangay Damatulan sa Nabalawag, Special Geographic Area (SGA) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), na sakop pa rin ng Cotabato Province sa ilalim ng Region 12.

Ang naturang deployment ng tinaguriang “peacekeeping troops” ay kinumpirma nina 6ID Commander MGen. Donald Gumiran, PRO-BAR Regional Director PBGen. Jaysen De Guzman, at PRO-12 Regional Director PBGen. Arnold Ardiente.

Batay sa ulat mula sa mga lokal na opisyal at mga tradisyunal na Moro leaders, pawang mga kasapi umano ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang sangkot sa kaguluhan. Lubos itong nakaapekto sa kabuhayan, katahimikan, at pamumuhay ng mga sibilyan na wala namang kinalaman sa sigalot.

Samantala, tiniyak ng pamunuan ng MILF na gumagawa na sila ng mga hakbang upang maayos ang hidwaan sa kanilang hanay sa lalong madaling panahon.