Sabay-sabay na isinagawa ng 6th Infantry (Kampilan) Division, Philippine Army ang mga seremonya ng pagpapalit ng mga opisyal sa pamumuno at turnover ng isang bagong pasilidad sa Camp Siongco, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte kahapon July 17.
Pinangunahan ni Major General Jose Vladimir R. Cagara, Commander ng Joint Task Force Central at 6th Infantry Division, ang Change of Command ng 57th Infantry (Masikap) Battalion, Service Support Battalion (SSBn), ang pagpapalit ng Assistant Chief of Staff for Logistics (OG4), gayundin ang turnover at basbas ng bagong tayong Warehouse with Amenities o Maintenance Facility.
Sa isinagawang Change of Command, pormal na ipinasa ni Lt. Col. Aeron Gumabao ang pamumuno ng 57th Infantry Battalion kay Lt. Col. Ronaldo M. Tarrayo. Ayon kay Maj. Gen. Cagara, mahalagang papel ang ginagampanan ng batalyon sa pagpapanatili ng kapayapaan, seguridad, at kaunlaran sa mga lugar na nasasakupan nito.
Kinilala rin ni Cagara ang naging pamumuno ni Lt. Col. Gumabao, kung saan naitala ang pagsuko ng 22 dating rebelde at terorista, pagkakarekober ng 522 loose firearms, at ang pagkamit ng batalyon ng 94 porsiyentong overall rating sa Annual General Inspection para sa Calendar Year 2025.
Samantala, pormal ding nanungkulan si Lt. Col. Nonie M. Ruizal bilang bagong Commanding Officer ng Service Support Battalion, habang si Lt. Col. Marlon F. Reyes Jr. ang itinalagang bagong Assistant Chief of Staff for Logistics (OG4) ng 6th Infantry Division.
Kasabay nito, isinagawa rin ang turnover ng bagong Warehouse with Amenities, na itinayo sa ilalim ng General Appropriations Act 2024 sa pamamagitan ng 54th Engineer Brigade. Inaasahang mapalalakas ng naturang pasilidad ang logistics management, maintenance support, at kahandaan ng mga kagamitan ng dibisyon para sa mga operasyon nito.
Binigyang-diin naman ni Maj. Gen. Cagara na mahalaga ang mahusay na pamumuno at sapat na pasilidad upang higit na mapalakas ang kakayahan ng 6th Infantry Division sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa Central Mindanao.

















