Nagbalik-loob ang walong kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) – Bungos Faction sa pamahalaan at isinuko ang kanilang mga armas sa 90th Infantry “Bigkis-Lahi” Battalion ng 6th Infantry “Kampilan” Division ng Philippine Army.
Isinagawa ang pagsuko sa pamamagitan ng koordinasyon ng anim na Local Government Units (LGUs), mga Municipal Police Stations, pamahalaang panlalawigan ng Maguindanao del Sur, at ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Pormal na ipinrisinta ng Commanding Officer ng 90IB na si Lt. Col. Loqui O. Marco ang mga nagbalik-loob kay Brig. Gen. Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry “Unifier” Brigade, sa ginanap na seremonya sa himpilan ng 90IB sa Barangay Kabengi, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur.
Bilang bahagi ng Balik-Loob Program, tumanggap ang mga sumuko ng agarang pinansyal na tulong, programang pangkabuhayan, at mga sako ng bigas mula sa mga lokal na pamahalaan ng Shariff Aguak, Datu Saudi Ampatuan, at Datu Hoffer. Ang kanilang mga isinukong armas ay itinakdang i-turn over sa mas mataas na himpilan ng militar para sa tamang disposisyon.

Ayon kay Brig. Gen. Catu, patunay ang hakbang na ito na nagiging epektibo ang pagtutulungan ng pamahalaan, lokal na pamahalaan, kapulisan at komunidad sa pagsusulong ng kapayapaan. Pinuri rin niya ang tapang ng mga nagbalik-loob na tinalikuran ang karahasan at piniling mamuhay nang mapayapa kasama ang kanilang pamilya.

Samantala, binati ni Maj. Gen. Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry “Kampilan” Division at pinuno ng Joint Task Force Central (JTFC), ang 601st Brigade, 90IB at lahat ng katuwang sa matagumpay na operasyon. Dagdag pa niya, ang pagsuko ng mga dating rebelde ay malinaw na senyales na unti-unti nang tinatanggap ng mga nasa hanay ng BIFF ang panawagan ng pamahalaan para sa kapayapaan at pagkakaisa sa Bangsamoro.


















