Nahuli sa isang matagumpay na intrapment operation ngayong Lunes, Setyembre 1, ang isang indibidwal na sangkot sa paggawa ng pekeng number coding exemption sticker, matapos ang naunang pagkakaaresto kahapon, Agosto 31, ng Cotabato City Traffic Management Center (CCTMC) operatives.
Nadakip kahapon ang isang mag-asawa na sakay ng sasakyang may nakalagay na exemption sticker. Nang beripikahin ng mga awtoridad, lumabas na peke ang naturang dokumento. Agad namang nag-cooperate ang mag-asawa at itinuro kung kanino nila nakuha ang sticker.
Ayon sa kanila, ang pekeng exemption ay nagmula sa kanilang ninong na residente ng Rosary Heights 8. Inamin ng naturang ninong na mayroon siyang contact sa mismong TMC. Kalaunan, inamin din ng TMC staff kung saan sila nagpapagawa ng mga pekeng sticker.
Sa isinagawang operasyon, nakipagtransaksyon ang mga pulis sa printing service at nang maimprenta ang pekeng sticker, agad na dinakip ang suspek.
Mahaharap ang mga suspek ng Falsification by Private Individual at Use of Falsified Documents. Samantala, ang TMC staff ay sasampahan din ng kasong administratibo. Sa kasalukuyan, ang lahat ng suspek ay nasa kustodiya ng Police Station 2 at inaasahang maisasampa ang mga kaso laban sa kanila bukas ng umaga.