Naaresto ng mga awtoridad ang isang barangay chairman sa Cotabato City na kabilang sa Top 10 Most Wanted Person sa antas lungsod at Top 4 Most Wanted sa City Police Station level.

Kinilala ang suspek na si Thong Lumabao Gayak, alyas “Thong”, 52 taong gulang at kasalukuyang barangay chairman ng Tamontaka 4, Cotabato City.

Dakong alas-4 ng hapon nitong Setyembre 5, 2025, isinilbi ng pinagsanib na pwersa ng Cotabato City Police Office City Intelligence Unit, Police Station 3, Regional Intelligence Division ng PRO BAR, at 1404th-A RMFB 14A ang Warrant of Arrest laban sa suspek.

Si Gayak ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act, na walang inirekomendang piyansa. Ang warrant ay inilabas ni Hon. Bai Ashrafia Aymee A. Biruar, Presiding Judge ng RTC Branch 14, Cotabato City, noong Agosto 19, 2025.

Bagama’t kabilang sa most wanted list, kusang loob itong sumuko sa mga pulis at maayos na ipinaalam sa kanya ang kanyang mga karapatan. Sa ngayon, nakakulong ang suspek sa Police Station 3 at nakatakdang iharap sa korte para sa commitment order.