Inalis ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Police Major General Nicholas Torre III bilang hepe ng Philippine National Police matapos umano’y pagsuway nito sa direktiba ng National Police Commission (NAPOLCOM).
Sa pahayag ng Pangulo, hindi umano sinunod ni Torre III ang ilang kautusan ng NAPOLCOM na nagdulot ng hindi pagkakaunawaan. Sa kanilang pag-uusap, iginiit ni Marcos Jr. ang kahalagahan ng chain of command na aniya’y hindi maaaring balewalain.
Dito raw sinabi mismo ng Pangulo na aalisin niya si Torre III sa puwesto, bagay na tinanggap naman ng opisyal na may maikling tugon: “Wala na akong magagawa.”
Gayunman, nilinaw ng Pangulo na hindi siya nawalan ng tiwala kay Torre III at nananatili ang kanyang paniniwalang mahusay na pulis ito, lalo’t ipinagtatanggol ang kanyang mga tauhan. Giit ni Marcos Jr., ang ugat ng pag-alis sa puwesto ay ang hindi pagsunod sa direktiba ng NAPOLCOM at wala nang iba pa.