Naaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)–Lanao del Sur Provincial Office ang dalawang babaeng itinuturing na high-value targets sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Sarimanok, Marawi City noong Setyembre 10, 2025.

Sa ulat ng PDEA, matagumpay na naisagawa ang operasyon sa tulong ng PDEA Regional Special Enforcement Team, PDEA Land Transportation and Interdiction Unit, 4th Mechanized Battalion ng Philippine Army, Marawi City Police Station, Regional Drug Enforcement Unit, at Special Operations Unit ng PNP Drug Enforcement Group–BARMM.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang isang malaking self-sealing transparent plastic bag na naglalaman ng tinatayang 500 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang aabot sa ₱3.4 milyon. Narekober din ang buy-bust money, isang android cellphone, isang brown sling bag, at isang identification card.

Kinilala ang mga nadakip na sina alyas Anji o Daraan, 50 anyos, may asawa, at alyas Noraida, 43 anyos, may asawa. Pareho silang residente ng bayan ng Saguiaran, Lanao del Sur.

Sasampahan ang dalawa ng kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.