Kinilala ni Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division, ang malaking ambag ng mga reservist sa pagtataguyod ng kapayapaan at pambansang kaunlaran. Ito’y sa ginanap na pagdiriwang ng 46th National Reservist Week na pinangunahan ng Division at Joint Task Force Central sa pamamagitan ng “Reservists Day” noong Setyembre 13, 2025 sa Camp Siongco.

Sa temang “Katuwang sa Kapayapaan at Kaunlaran ng Bagong Pilipinas,” itinampok ang mahahalagang kontribusyon ng mga reservist at ROTC cadets hindi lamang sa nation-building kundi maging sa peacekeeping at pagsuporta sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ayon kay Maj. Gen. Gumiran, malayo na ang inilakbay ng papel ng mga reservist. Mula sa pagiging backup force, ngayon ay kinikilala na silang mahalagang bahagi ng depensa ng bansa at katuwang ng regular na tropa.

Pinangunahan ang seremonya ng pagtataas ng watawat kung saan binasa ni Col. Ruben Aquino, Assistant Division Commander for Reservist and Retiree Affairs, ang mensahe mula sa Office of the Deputy Chief of Staff for Reserve Force Development, J9 AFP. Dinaluhan din ito nina Col. Florendo P. Politud Jr. (Commander, 12th RCDG) at Col. Moh-Yusop R. Hasan (Commander, 16th RCDG BARMM), kasama ang daan-daang reservist at ROTC cadets.

Isa sa tampok ng programa ang artillery fire demonstration ng 1st Sultan Kudarat Ready Reserve Battery, 1202nd CDC na nagsilbing patunay sa kahandaan ng reserve force. Tinuruan sila ng 6th Field Artillery Battalion, Army Artillery Regiment, Philippine Army sa ilalim ni Lt. Col. Tara Cayton. Saksi rin dito si Brig. Gen. Hubert S. Acierto, Commander ng AAR, PA.

Ipinresenta ni Col. Aquino ang contingent na binubuo ng 1,077 reservist mula sa Army, Air Force, Navy, at Marines, at 1,018 ROTC cadets kay Maj. Gen. Gumiran. Sa kanyang mensahe, pinuri niya ang kanilang pagkakaisa, patriotismo, at dedikasyon sa bayan.

Sa kanyang keynote address, binigyang-diin ni Maj. Gen. Gumiran na ang pagdiriwang ay pagkilala sa sakripisyo ng mga reservist:

“Hindi lamang ito selebrasyon kundi pagkilala sa inyong dedikasyon na laging handang maglingkod. Kayo ang tulay ng militar at mamamayan. Bilang inyong Division Commander, ipinararating ko na aming pinahahalagahan ang inyong sakripisyo at patuloy naming susuportahan ang inyong pagsasanay at pag-unlad.”

Bilang simbolo ng suporta, personal na iniabot ni Maj. Gen. Gumiran ang isang set ng philarpat military uniform kay Col. Labutong, Commander ng 2203rd Ready Reserve Brigade, na siyang mamahagi nito sa mga reservist.

Kasabay nito, nagsagawa rin ng License to Own and Possess Firearms (LTOPF) Caravan ang PNP sa 6ID Gym. Tampok din ang static display, photo gallery exhibits, at kampanya para sa West Philippine Sea awareness.

Umabot sa 2,151 reservist at cadets ang lumahok sa nasabing pagtitipon kasama ang mga senior officers, enlisted personnel, media, at iba pang stakeholders—isang malinaw na patunay sa pagkakaisa at lakas ng reservist bilang katuwang ng AFP para sa kapayapaan, seguridad, at kaunlaran ng bansa.

Via 6TH INFANTRY (Kampilan) DIVISION, PHILIPPINE ARMY