Nagpahayag ng pakikiisa si Anton Lagdameo, ang Special Assistant to the President (SAP), sa pagdiriwang ng ika-13 anibersaryo ng paglagda sa Framework Agreement on the Bangsamoro (FAB) na pinirmahan ng Gobyerno ng Pilipinas at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Ang FAB, na nilagdaan noong 2012, ay isang makasaysayang kasunduan na naglatag ng landas patungo sa pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.

Ayon kay SAP Lagdameo, ang FAB ay naging isang mahalagang pundasyon ng kapayapaan at katatagan sa rehiyon ng Bangsamoro. Itinuturing niya itong hindi lamang isang dokumento, kundi isang simbolo ng isang matagal na paglalakbay ng mga Bangsamoro tungo sa kanilang karapatan sa sariling pagpapasya (self-determination).

“Ang kasunduang ito ay isang patunay ng sama-samang determinasyon ng gobyerno at ng Bangsamoro upang wakasan ang dekada ng armadong labanan at magsimula ng isang kinabukasan batay sa tiwala, diyalogo, at paggalang,” ani ni Lagdameo.

Binanggit din ni Lagdameo na ang FAB ang nagsilbing saligan para sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) na naging daan sa pagpasa ng Republic Act No. 11054, o ang Bangsamoro Organic Law (BOL), na nagtatag sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Bilang isang pangunahing katulong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., binigyang-diin ni Lagdameo ang kahalagahan ng FAB bilang katuparan ng pangako ng bansa na bumuo ng isang malaya, tapat, at inklusibong Bangsamoro. Ibinahagi niya na ang layunin ng kasunduan ay upang maiwasan ang paggamit ng karahasan at armadong pakikibaka sa pagtamo ng mga karapatan ng Bangsamoro sa loob ng demokratikong sistema ng bansa.

Sa kanyang mensahe, nagbigay-pugay si Lagdameo sa mga nagbalangkas ng FAB, mga tagapagtaguyod ng kapayapaan, at sa mga pamilyang Bangsamoro na patuloy na nagsasakripisyo para sa kapayapaan at pagkakaisa sa Mindanao.

“Ang Framework Agreement on the Bangsamoro ay higit pa sa isang kabanata sa ating kasaysayan ito ay isang patuloy na kuwento ng pag-asa, tapang, at ng diwa ng pagkakasundo ng mga Pilipino,” dagdag pa ni Lagdameo.

Pinaabot ng OSAP at ni Lagdameo ang kanilang pasasalamat at pagbati sa lahat ng nagsikap upang matamo ang tagumpay ng FAB, pati na rin ang pagpaparangal sa mga martir na nagbuwis ng kanilang buhay para sa kapayapaan sa Mindanao.