Nagpahayag ng matinding pagkabahala si Cotabato City Mayor Mohammad Bruce “BM” Matabalao sa paglabas ng CCTV footage na nagpapakita ng isang lalaking armado ng baril na naglalakad malapit sa Barangay Hall ng Poblacion 5 sa Jose Lim Street, Cotabato City noong Oktubre 21, 2025.

Ayon sa alkalde, agad siyang magpapatupad ng imbestigasyon at kanyang ipatatawag ang lahat ng law enforcement agencies, kabilang ang Philippine National Police, Police Regional Office-BAR, at Marine Battalion Landing Team-6 upang talakayin ang agarang aksyon sa naturang insidente.

“I will have this investigated right away. I will convene all concerned law enforcement agencies including the Philippine Marines to discuss ways forward. I assure our beloved Cotabateños that there will be fair and impartial investigation and that appropriate action shall be immediately taken,” pahayag ni Mayor Matabalao.

Batay sa pahayag ng Sangguniang Barangay ng Poblacion 5, makikita sa CCTV ang isang lalaking walang damit pang-itaas at may dalang ng armas na tila nakatutok ang atensyon sa Barangay Hall bago ito pumasok sa isang bahay sa nasabing lugar.

Kinondena ng barangay council ang insidente at nanawagan ng agarang aksyon mula sa mga otoridad, dahil itinuturing itong seryosong banta sa kaligtasan ng publiko.

Hinimok naman ng pamahalaang lungsod ang publiko na manatiling kalmado ngunit mapagmatyag, at ireport agad sa mga otoridad ang anumang impormasyon na makatutulong sa pagkakakilanlan ng nasabing indibidwal.

Tiniyak ni Mayor Matabalao na uunahin ng lokal na pamahalaan ang seguridad at kaayusan sa Cotabato City at sisiguruhing mananagot ang sinumang lalabag sa batas.