Sumalpok sa anim na kabahayan sa Purok 1, Barangay Noa, Magpet, North Cotabato, ang isang wing van na puno ng saging pasado alas-5 ng umaga kaninang Lunes, Oktubre 27, 2025, na nagdulot ng malawakang pinsala sa ari-arian.

Ayon sa inisyal na ulat ng pulisya, nawalan ng kontrol ang driver habang binabagtas ang pababa at matarik na bahagi ng daan, dahilan para tuluyang masalpok ang mga kabahayan at isang mini gasoline station. Tatlong motorsiklo rin ang nadamay sa aksidente.

Kinilala ang driver bilang si Alvin Ilorica, kasama ang kanyang pahinante at dalawang residente na nagtamo ng galos at minor injuries. Wala namang naiulat na nasawi, subalit nag-iwan ang insidente ng matinding pinsala sa mga bahay at ari-arian.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga otoridad ang aksidente, kabilang na kung may pananagutan ang kumpanya ng wing van at kung naging maayos ang kondisyon ng sasakyan bago ito bumiyahe.