Idinaos ng Bangsamoro Government ang ika-84 na Cabinet Meeting kahapon Oktubre 19, kasabay ng pagkilala sa mga opisyal na naglingkod sa pamahalaan mula nang maitatag ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM noong 2019.
Pinangunahan ni Interim Chief Minister Abdulraof A. Macacua ang pulong sa Office of the Chief Minister, na dinaluhan ng mga pinuno ng Bangsamoro Ministries, Agencies, and Offices o BMOAs, kabilang si Bangsamoro Youth Commission Chairperson Nasserudin D. Dunding.
Tinalakay sa pulong ang panukalang pag-apruba sa Bangsamoro Transition Report 2019–2025, na naglalaman ng mga reporma, nagawa at pag-unlad ng rehiyon sa panahon ng transisyon.
Kasabay nito, isinagawa ang Bangsamoro Service Awards 2026 upang kilalanin ang mga opisyal na naglingkod sa pamahalaang Bangsamoro mula noong 2019.
Kabilang sa mga kinilala si BYC Chair Dunding, kasama ang iba pang opisyal na naging bahagi ng pamahalaan sa mga unang taon nito.
Ang naturang pagpupulong ang huling Cabinet Meeting ng Transition Government bago ang nakatakdang pagbubukas ng Regular Government of the Bangsamoro sa Oktubre 30, 2026.

















