Humarap na kay Cotabato City Mayor Bruce Matabalao ang drayber na naging viral matapos punitin ang traffic citation ticket na ibinigay sa kanya ng isang traffic enforcer kamakailan.

Sa presensya ng City Traffic and Transport Management Council (CTTMC), humingi ng paumanhin ang nasabing drayber at agad na nagbayad ng multa para sa kanyang paglabag. Maayos na naresolba ang insidente sa pamamagitan ng mahinahon at bukas na pag-uusap ng magkabilang panig.

Binigyang-diin ni Mayor Matabalao na ang tunay na disiplina sa kalsada ay nasusukat sa pagsunod ng mga motorista sa batas-trapiko at respeto sa kapwa gumagamit ng kalsada. Aniya, kung mananaig ang ganitong uri ng disiplina, mas magiging ligtas at maayos ang daloy ng trapiko sa lungsod.

Patuloy namang isinusulong ng Lokal na Pamahalaan ng Cotabato City ang programang Basta Cotabateño, Disiplinado na layong palakasin ang kulturang may respeto, kaayusan, at kaligtasan sa kalsada.